Home > News > ABS-CBN TVplus, ILULUNSAD ANG EMERGENCY WARNING BROADCAST SYSTEM SA EARTHQUAKE DRILL NG MMDA

ABS-CBN TVplus, ILULUNSAD ANG EMERGENCY WARNING BROADCAST SYSTEM SA EARTHQUAKE DRILL NG MMDA

Date posted: July 22, 2015 | Posted by: KANE ERROL CHOA, Head of Corporate Communications

Hindi lang malinaw na palabas at karagdagang exclusive channels ang hatid ng ABS-CBN TVplus para sa mga Pilipino. Mas malaking papel pa ang gagampanan ng ABS-CBN TVplus sa publiko dala ng emergency warning broadcast system (EWBS) na naka-install sa mahiwagang black box.

Maghahatid ang EWBS ng mga warning message o babala sa subscribers ng ABS-CBN TVplus sa tuwing may sakuna, pati na ng mga bilin kung ano ang dapat gawin kapag mangyari ito.

Para tulungan ang publikong maging handa sakaling tumama ang isang 7.2 magnitude na lindol sa bansa, nakipag-partner ang ABS-CBN TVplus sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa earthquake drill sa buong Metro Manila sa Hulyo 30.

Sa drill sa parehong araw, makakatanggap ang ABS-CBN TVplus subscribers ng warning message sa kanilang TV screens at ng karagdagang impormasyon tungkol sa drill.

The EWBS ay naka-install sa Japanese standard ng digital television. Madalas na tinatamaan ng mga sakuna ang Japan kaya naman naglunsad na ito ng iba’t ibang paraan at teknolohiya para maging handa ang mga mamamayan nito.

“Naniniwala kaming makakatulong ang ABS-CBN para mas maging handa ang publiko kapag may emergency at sakuna. Sana ay maging bahagi na ng lahat ng programa ng gobyerno ang early warning broadcast system para masiguro ang kaligtasan ng publiko,” pahayag ng ABS-CBN COO na si Carlo Katigbak.

“Malaki ito. Magkakaroon ang 400,000 black box holders ng impormasyong kailangan nilang malaman kung ano ang mangayayari sa July 30. Malaking tulong ito sa publiko, lalo na sa mga hindi alam ang gagawin, walang training, at hindi pa batid ang kahalagahan ng mangyayari. Titiyakin naming kahit na may tumamang totoong lindol, magtatagal ang partnership na ito,” ani MMDA chairman Francis Tolentino.

Ang warning message ay lalabas lamang sa TV kapag nakatutok ito sa ABS-CBN, ABS-CBN Sports+Action, pati na CineMo, Yey!, Knowledge Channel, at DZMM TeleRadyo, ang apat na premium channels ng ABS-CBN TVplus.

Layunin ng ABS-CBN TVplus na paglingkuran ang users nito bilang ang una at natatanging digital TV box na may EWBS feature.

Opisyal na inilunsad ng ABS-CBN ang ABS-CBN TVplus noong Pebrero. ABS-CBN din ang unang TV network sa bansa na naghatid ng digital TV service matapos itong mag-invest sa imprastraktura at test broadcast activities sa nakalipas na pitong taon.